

ConnectSF (Filipino)
Pamumuhunan sa pampublikong transportasyon ng San Francisco habang bumabangon tayo mula sa pandemya
Pagbati
Muling isinasaayos ng Lungsod ang sistema ng pampublikong transportasyon ng San Francisco, at nang makapagkaloob tayo ng mas mahusay at mas epektibong transportasyon sa lahat. Nasasabik kaming magkaroon ng pagkakataong ito upang masabi sa inyo ang tungkol sa aming diskarte na muling mamuhunan sa pagbiyahe sa San Francisco.

Nakakatrabaho na ng pangkat ng ConnectSF ang mga residente, grupo sa komunidad, grupo ng mga negosyante, grupong pangkabataan, at iba pang may interes o stakeholders, at sa gayon, makalikha ng bisyon para sa San Francisco: bilang lungsod na lumalago, may pagkakaiba-iba o diversity, at may katarungan sa pagkakapantay-pantay, at kung saan, may mga opsiyon sa transportasyon na nagagamit at abot-kaya ng lahat.
Nasabi na sa amin ng mga taga-San Francisco na unang prayoridad ang magawang mahusay ang pagpapatakbo sa kasalukuyang sistema ng transportasyon, at kasama na rito ang dagdag na mga serbisyo at paggawa ng mga pisikal na pagbabago na magpapatupad sa bago o mas mahusay na mga opsiyon sa transportasyon. Binigyang-diin ng mga taga-San Francisco na dapat nating bigyan ng prayoridad ang mga pagpapahusay sa transportasyon na para sa mga sumasakay na pinaka-umaasa sa mga ito.
Napakinggan na namin kayo at nakabuo na kami ng stratehiya sa pamumuhunan na lilikha ng pagpapahusay sa transportasyong malaki ang epekto at kayang makamit, at magagawa sa nalalapit na panahon, habang pinalalago at pinagtitibay ang sistema upang matugunan ang mga pangangailangan sa hinaharap.

Pinaplano na natin ang landas sa pagbangon mula sa mga epekto ng pandemyang COVID-19 sa transportasyon. Noong magsimula ang pandemya, kinailangan nating bawasan ang mga serbisyo ng Muni. Ang katarungan sa pagkakapantay-pantay o equity ang nasa sentro ng paggawa namin ng mga desisyon habang lubusan naming binabago ang aming mga serbisyo sa loob lamang ng ilang linggo. Gumawa kami ng mahihirap na desisyon at nagpatupad ng malalaking pagbabago. At nagbunga naman ang mga ito. Nagseserbisyo kami sa mga tao na umaasa sa pampublikong transportasyon sa pamamagitan ng mga bus na mas mabilis na nakapagbibiyahe at mas maluwang, kung ihahambing sa mga araw bago ang COVID.

Napunan na namin ang mga puwang sa mga programang tulad ng Essential Trip Card (Kard para sa Mahalagang Pagbibiyahe), na tumutulong sa matatanda at indibidwal na may kapansanan na gumamit ng taksi sa murang halaga, at ang programang COVID Ambasssador, kung saan tumutulong ang mga kawani sa bus stop upang makasunod ang mga tao sa mga gawaing mabuti sa kalusugan at magamit nila ang nagbabagong sistema.
Habang nagbubukas ang San Francisco at mas maraming tao na ang bumabalik sa paggamit ng pampublikong transportasyon, mangangailangan ng karagdagang mga rekurso upang maipakilala ang mga programang tulad nito, na agad na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga pasahero.

Ang Nagbabagong mga Pangangailangan ng Tao sa Pampublikong Transportasyon
Nagbago na ang mga pamamaraan ng pagbibiyahe ng tao.
Bago ng pandemya, binigyang-prayoridad ng ating sistema ng transportasyon ang one-seat ride (biyaheng hindi na kailangang lumipat ng tren) papunta sa Financial District. Resulta ito ng kasaysayan sa transportasyon ng ating lungsod.
Sinasalamin ng karamihan sa sistema ng Muni ang may kasaysayan nang pagtutuon sa paghahatid sa mga tao sa kani-kanilang trabaho sa downtown. Hindi ito dinisenyo para ikonekta ang mga tao sa mga komunidad sa kabilang bahagi ng lungsod.
Iba na ang pagbibiyahe ng mga tao sa panahong ito, at kailangang makasunod ang ating sistema ng pampublikong transportasyon sa mga pagbabagong ito. Sa loob ng matagal na panahon, at bago pa ang COVID, matatagpuan na ang dumaraming bilang ng trabaho at serbisyo sa labas ng downtown, sa iba pang bahagi ng San Francisco, at sa kabuuan ng rehiyon. Nagbago na ang mga oras at araw ng pagtatrabaho, samantalang binibigyan na ng telecommuting (pagtatraho sa bahay) at nagbabagong pang-araw-araw na buhay ang mga tao ng opsiyon na magtrabaho sa labas ng tradisyonal na oras, na mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Biyernes.
Naipakita na rin ng pandemya na nagbibiyahe ang essential workers (mga nagtatrabaho sa mahahalagang gawain o industriya) sa halos lahat ng bahagi ng Lungsod (hindi lamang sa downtown), at nagkakaloob ng kritikal na tulong, at nang makapagpatuloy sa kani-kanilang buhay ang mga tao at negosyo. Malamang na magpatuloy ang ganitong naging karaniwan nang sitwasyon, kahit na makabangon na ang ekonomiya.
Pagkakaroon ng Mas Magandang Pampublikong Transportasyon tungo sa Mas Magandang Kinabukasan
Bago pa man ang pandemya, kinakaharap na ng pampublikong transportasyon sa San Francisco ang mga hamon ng lalo pang sumisikip na trapiko at tumatanda nang imprastruktura.
Nagkaroon ng mga pagkakatigil ng serbisyo sa tunnel ng Muni Metro. Regular na naaantala at madalas na masikip ang bus at tren. Bumagal din ang bilis ng takbo ng bus at tren habang lumala naman ang kasikipan ng trapiko.
Ipinapakita ng mapang ito ang kasikipan at pagkaantala na nararanasan ng mga sumasakay sa kabuuan ng lungsod, habang nagbibiyahe papunta sa kani-kanilang trabaho, bahay, at iba pang pinupuntahan.
Kailangang mapanatili natin ang paglutas sa kasikipan ng trapiko. Upang maging tuloy-tuloy ang pag-usad ng San Francisco, kailangang patuloy na umunlad ang ating sistema ng pampublikong transportasyon habang bumabangon ang ating ekonomiya. Nangangahulugan ito ng pagkakaloob ng sistema ng pampublikong transportasyon na ligtas, maaasahan, at mabilis na nadadala ang mga tao sa gusto nilang puntahan.
Mahalagang hakbang ang pamumuhunan sa Muni at nang makapagtayo ng mas malakas at mas maaasahang sistema ng pampublikong transportasyon habang nababawasan ang mga epekto ng pandemya at bumabangon ang ating ekonomiya, kung saan nakatuon ang ating serbisyo sa pagtulong sa mga tao na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Kung Paano Tayo Makararating sa Ating Gustong Mapuntuhan:
Gawing mas mahusay ang paggana ng sistema sa pamamagitan ng agresibong pagpapanatili sa sistema sa mabuting kondisyon at sa pagpapanumbalik nito.
Maghatid ng limang-minutong network para sa maaasahang serbisyo ng pampublikong transportasyon sa kabuuan ng lungsod.
Gawing mas mabilis, mas maaasahan, at mas malaki ang kapasidad ng modernong sistema ng mga tren na ito.
Magtayo ng mga riles ng tren sa mga lugar kung saan hindi sapat ang serbisyo ng bus para matugunan ang mga pangangailangan.
Higit na Paganahin pa ang Sistema
Isang pangangailangan na madalas naming marinig ay ang mas mahusay na pagpapagana sa kasalukuyang sistema ng pampublikong transportasyon.
Kasama sa pagpapalakas sa ating kasalukuyang sistema ang agresibong pagkukumpuni at pagpapalit sa ating pinakaginagamit na imprastruktura at sa mga sasakyan, habang hinaharap ang maraming taon nang nahuling trabaho ng pagpapanatili sa mga ito sa maayos na kondisyon.
Kailangan nating patuloy na ibalik at paghusayin pa ang serbisyo, matapos na mabawasan ito bilang pagtugon sa pandemya. Pagtutuunan natin ng pansin ang mga ruta na inaasahan ng essential workers at ng mga tao na umaasa sa pampublikong transportasyon, at sa kalaunan, palawakin pa ang serbisyo para sa lahat ng taga-San Francisco.
Magtayo ng Limang-Minutong Network para sa Mas Mabilis at Mas Madalas na Pampublikong Transportasyon
Magkakaloob ang pagpapahusay sa mga kalye na sumusuporta sa network ng mga ruta ng bus at tren na tumatakbo kada limang minuto ng mabilis at kumbenyenteng pagpunta sa lahat ng bahagi ng San Francisco.
Mahahatid ng mabilis at madalas na network ng ruta ng pampublikong transportasyong tumatakbo kada limang minuto (o mas madalas pa rito) ang mga sumasakay sa lahat ng pinakapinupuntahang lugar sa Lungsod.
Kung hindi kayo nakatira malapit sa limang-minutong network na ito, magkakaroon ng grid ng madadalas dumating na linya ng bus na kokonekta sa inyo sa network. Madali ang paglipat, dahil ang ibig sabihin ng madalas na serbisyo, hindi maghihintay nang matagal ang pasahero para sa susunod na bus.
Titiyakin ng madalas na network ng kumokonektang mga ruta na lahat ng tao sa San Francisco ay magagamit ang network ng pampublikong transportasyon, nasaan man sila.
Kung kailangan ng sumasakay ng mas mabilis pang koneksiyon sa mahahabang distansiya, makaaasa siya sa express na ruta at rehiyonal na serbisyo ng tren. Nagtatrabaho kami upang mapabilis at magawang higit na maaasahan ang lokal at ang rehiyonal na serbisyo ng pampublikong transportasyon na tumatakbo sa freeway at highway.
Gagawa kami ng mga agresibong pagpapahusay sa kalye, at nang tuloy-tuloy ang takbo ng bus at hihinto lamang sa bus stops. Halimbawa, pahihintulutan ng striping (mga guhit sa kalye), mga karatula, at pag-aayon sa ilaw-trapiko na dumaan ang mga bus sa interseksiyon nang may prayoridad, at nang hindi humihinto kung hindi naman kailangan.
Subok nang mga gawain ito na gumana sa mga linya ng bus na naglilingkod sa maraming bahagi ng San Francisco.
Ipinapakita ng mapa ang kahanga-hangang katipiran sa oras na nakukuha ng mga sumasakay kapag hindi naiipit sa trapiko ang bus, na siyang naganap sa unang mga buwan ng pandemya, kung saan nabawasan ang kasikipan ng trapiko. Pananatilihin naming tuloy-tuloy ang takbo ng mga bus sa pamamagitan ng pamumuhunan, at nang sa gayon, hihinto lamang ang mga ito kapag nagbababa at nagsasakay ng pasahero.
Patuloy naming mabilis na isasagawa ang pag-a-upgrade o pagpapahusay na ito upang mas maagang makita ng mga pasahero ang resulta, habang tinatrabaho naman ang mas malalaking pagpapahusay sa aming sistema.
Pagpapanibago at Paggawang Moderno sa Ating Sistema ng mga Riles ng Tren
Habang itinatayo nating muli ang tumatanda na nating sistema ng mga riles ng tren, pinalalawak naman natin ang kritikal na imprastruktura na nagpapanatiling tuloy-tuloy ang takbo ng ating sistema ng mga riles, kung kaya’t magiging posible na magkaroon ng mas mahahabang tren at magkaloob ng mas maaasahang serbisyo.
Pagpapanibago at Paggawang Moderno ng Muni Metro
Gagawin naming modernong sistema ng mga riles ang Muni Metro sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagpapahusay, tulad ng mas maaasahang T-Third, mas mahahabang tren sa N Judah, at serbisyong may kalidad ng subway sa kalye sa linyang M-Ocean View, na nasa pagitan ng West Portal at San Francisco State/Parkmerced. Gagawan namin ng bagong kumpigurasyon ang ating mga linya ng tren at nang mabawasan ang pagkaantala sa subway at higit na maging maaasahan ang kabuuan ng sistema.
Hahawanin namin ang landas para sa susunod na henerasyon ng serbisyo ng subway para sa San Francisco sa pamamagitan ng pagpaplano ng malaking pagpapanibago sa subway, na tutugon sa gitgitan at kasikipan. Pahihintulutan ng pag-a-upgrade sa Muni Metro subway, tulad ng bagong sistema ng pagkontrol sa mga tren, ang pagtakbo ng mas mahabang tren (apatan) at ng hindi nagbabago-bago at maaasahang serbisyo.
Pagtatayo ng mga Riles sa Pinakaginagamit na mga Lugar sa San Francisco
May ilang lugar sa San Francisco kung saan nahihirapan ang mga bus na makaagapay sa mga pangangailangan. Sa mga lugar na ito, kailangan natin ng mga bagong linya ng tren dahil kayang magdala ng tren ng higit na maraming tao kung ihahambing sa bus, at magagawa ito sa kabuuan ng rehiyon. Magagawa nitong mas maganda ang pagbibiyahe at mapahihintulutan tayong maglingkod sa lumalaking bilang ng mga sumasakay sa pagdaan ng panahon.
Ang Sistema ng Tren sa Kasalukuyan
Maraming linya ng tren na naglilingkod sa San Francisco sa kasalukuyan, kasama na ang anim na linyang Muni Metro, at pati na rin ang BART at ang Caltrain.
Mga Kasalukuyang Nakaplano nang Proyekto para sa Pagkakaroon ng mga Riles ng Tren
Kasama sa mga aprubado nang proyekto para sa mga riles ng tren ang Central Subway, na itutuloy ang T-Third sa Chinatown, at ang ekstensiyon ng Caltrain mula sa 4th at King Streets tungo sa Salesforce Transit Center.
Ano ang Susunod Rito?
- Ang linya ng subway line sa Geary at 19th Avenue upang mapaglingkuran ang pinakamasikip na koridor (rutang nakatalaga para sa tiyak na layunin) ng bus, kung saan kinokonekta ang ilan sa pinakapinupuntahang destinasyon sa downtown at sa mga rehiyonal na serbisyo ng tren.
- Ang bagong transbay (dumaraan sa San Francisco Bay) na rail crossing o interseksiyon ng tren (kasalukuyang pinag-aaralan ng programang Link21) at nang mapahintulutan ang rehiyonal na serbisyo ng tren na lumaki nang higit pa sa kapasidad ng naririyan nang BART tube, kung kaya’t higit na magagamit ito ng mga residente sa kabuuan ng Bay Area at ng napakalaking rehiyon ng Northern California.
- Pagpapahaba ng Central Subway tungo sa Fisherman’s Wharf upang makapaghatid ng serbisyo ng tren sa ilan sa komunidad na pinakamalalaki ang populasyon, at sa gayon, mabawasan ang kasikipan sa ilan sa pinakaginagamit na ruta ng Muni, kasama na ang mga linyang 8, 30, at 45.
- Ang pagkakaroon ng estasyon ng Caltrain sa komunidad ng Bayview upang maibalik ang pagkakaroon ng tren sa komunidad na may kasaysayan ng kakulangan ng serbisyo, at sa gayon, makapaghandog ng mabilis na pamamaraan na makakuha ng mga oportunidad sa downtown at sa Peninsula.
Posibleng abutin ng mahigit sa isang dekada ang pagdidisenyo at pagtatayo ng malalaking proyekto ng riles ng tren. Kung mas maagang makatutukoy at makakukuha ng pondo ang Lungsod para sa mga proyektong ito, mas maagang maitatayo ang mga ito.
Pagsasagawa ng mga Ito, nang Magkakasama
Mahalaga ang pampublikong transportasyon sa San Francisco.
Naibigay na sa atin ng mga taga-San Francisco ang bisyon na gusto nila para sa kinabukasan ng transportasyon sa ating Lungsod, na nagsisimula sa epektibo at may katarungan sa pagkakapantay-pantay na sistema ng pampublikong transportasyon.
Binibigyang-buhay ang bisyon na ito ng ating stratehiya sa pamumuhunan sa pamamagitan ng higit na pagpapagana sa ating kasalukuyang sistema, pagtatayo ng Limang-Minutong Network ng mabibilis at madadalas na serbisyo ng bus, pagpapatibay sa tumatanda nang imprastruktura sa pamamagitan ng pagpapanibago at paggawang moderno sa Muni Metro, at pagtatayo ng riles ng tren sa pinakaginagamit na mga koridor.